Huwebes. Sabi nila itatanong na ni Kevin ngayon. Itatanong na ni Kevin ngayon kay Marj kung pwede na ba niya siya maging girlfriend. Ngayon, sa unang klase namin alas onse ng umaga.
Huwebes din, dalawang taon na ang nakakalipas, si Marj at ako, at ang kaibigan kong si Kevin.
Ito ay isang halimbawa ng kwentong sawang-sawa na kayo.
Paasa si Marj. Malandi si Kevin. Torpe ako.
Nakakasawa ang mga ganitong kuwento diba? Pero kahit ganun, binabasa pa rin. Dahil kahit ako ang sumulat nito, ito rin ay kuwento mo.
Huwebes, dalawang taon na ang nakakalipas, ako at is Marj at ang kaibigan kong si Kevin. Hindi ako kagwapuhan, pero angat ako sa talino. Ang tagal kong gusto si Marj at minsan, gusto niya rin ako.
Simple ako. Masayahin. Steady na okay lang. Pero nung nakilala ko si Marj, nagkagulo ang mundo ko.
Maganda siya, sikat, matalino, kahit minsan maarte, minsan moody. At ang ganda niya talaga. Siya yung babaeng bagay sa katulad niya. Bagay kay Kevin.
Huwebes, dalawang taon na ang nakakalipas, pinabayaan kong maagaw si Marj sa akin ng hindi lumalaban. Masakit palang makita ang mahal mo na magmahal ng iba. Si Kevin pa.
Pero ang huwebes na dalawang taon nang nakalipas ay hindi ang huwebes ngayon. Ito ako’t tumatakbo palabas ng mainit at masikip na bus na sinakyan papuntang eskuwelahan. Siguradong nag-aabang na si Kevin kay Marj bago magsimula ang unang klase.
Dapat ako siya. Pero sadyang hindi talaga ako matapang. Sa bawat hakbang ko, ako’y patuloy na umaasa. Na sana may oras pa.
Sa pag-akyat ko ng building habang tumatagaktak ang pawis, nasilayan ko si Marj sa labas ng classroom. Sinigaw ko ang pangalan niya at tumakbo hangga’t nasa tapat na niya.
Sana hindi pa huli.
Nangingilid ang luha ko, pero kitang kita ko pa rin ang kagandahan niya sa likod ng mga luha.
May oras pa nga ako, pero baka hindi ko na panahon.
“Marj. Please ako na lang?”
Tumulo ang mga luha ko.
Hindi ko pa naranasang magmakaawa, pero bakit parang kapag kay Marj, okay lang?
Nakita ko na parang iiyak na din siya. Kita ko ang lungkot sa mata niya at tumungo siya ng dahan dahan.
“Hinintay kita. Dalawang taon, Elroy.” Tumalikod na siya nagsimulang maglakad palayo sa kinatatayuan ko.
Napikit ako at nagpakain na lang sa alaala ng isang Huwebes at maraming pagkakataong pinalampas, dalawang taon na ang nakakalipas.
(Source: kadalasanminsanseries)