Ayoko yung pakiramdam na nakatitig ka lang sa akin buong gabi, na para bang may gusto kang itanong o malaman. Pero alam naman nating dalawa na masyado kang duwag para gawin yun.
At alam din nating dalawa na hindi ko rin masasagot kahit ano pa yang itatanong mo o kung ano ang gusto mong malaman. Pero alam mo din bang ayaw na rin kitang kausapin kahit kailan kung puwede at kung kaya ko lang?
Hindi mo ko puwedeng titigan ng ganyan na parang wala kang kasalanan, atraso o nagawang mali sa akin. Hindi mo ko puwedeng titigan gaya ng dati. Malalaki na tayo, hindi na lang puwede yung mag-aaaway tayo ngayon tapos okay na tayo mamaya. Hindi ganun yun eh. Noon puwede pa. Pero ngayon, sa tingin mo, okay pa?
Iniiwasan ko ang mga mata mo dahil hindi ko alam kung anong mararamdaman ko pag nagkatitigan na tayo. Sa totoo lang, hindi ko alam ang nararamdaman ko.
Iniiwasan ko ang mga mata mo kasi sila ang dahilan kung bakit kita nagustuhan. At natatakot akong baka sa isang iglap at sa maraming oras na inipon para makalimutan ka, baka mamaya gusto na ulit kita.
At yun ang pinipilit kong kalimutan. Na gusto kita.
Pinipilit kong kalimutan na hindi mo na ako kailangan at hindi na ako ang iyong kailangan. At pinipilit ko ding paniwalain ang sarili ko na baka, sa kabila ng lahat ng kinilos mo, na hindi mo talaga ako kinailangan sa kahit anong paraan.
At pinipilit kong kalimutan na kahit kailan hindi na ako.
Minsan kahit anong pilit ko, hinahanap ko ang mga mata mo. Pero kadalasan, sila ang nakakahanap sa akin.
Sila ang nakakahanap sa akin.
(Source: kadalasanminsanseries)